
Umakyat na sa siyam ang bilang ng mga ethics complaint na inihain laban sa ilang senador.
Ito ang kinumpirma ni Senate Committee on Ethics Chairman JV Ejercito matapos ang pulong ng komite, kung saan pinagtibay na ang rules ng Ethics Committee.
Ayon kay Ejercito, nasa siyam na kaso na ang natanggap ng komite at iba-iba ang mga reklamong inihain.
Hindi naman tinukoy ng mambabatas kung kanino partikular ang mga dagdag na reklamo, ngunit may isang complaint na nakasaad ang “all senators” at hindi espesipiko kung sino ang inirereklamo.
Sa unang pagdinig ng Ethics Committee, hindi muna pahaharapin ang mga senador na may kaso. Sa halip, tutukuyin muna kung may sapat na grounds ang mga reklamo at kung nakasunod ang mga ito sa requirements sa form at substance.










