European Union ambassador, nagpasalamat sa Pilipinas dahil sa pakikiisa sa panawagang itigil na ng Russia ang operasyon sa Ukraine

Nag- courtesy call si European Union (EU) Ambassador to the Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Igor Driesmans kay Defense Secretary Delfin Lorenzana sa Camp Aguinaldo.

Sa pag-uusap ng dalawa, pormal na nagpasalamat si Ambassador Driesmans kay Secretary Lorenzana dahil sa suporta nito sa United Nations General Assembly (UNGA) Resolution na nanawagan sa Russia na itigil ang kanilang operasyong militar sa Ukraine.

Kapwa nababahala ang dalawang opisyal dahil sa kaganapan sa Ukraine.


Partikular na nagpahayag si Driesmans ng pagka-alarma sa kondisyon ng mga sibilyang naipit sa labanan at lumilikas sa “humanitarian corridor”.

Maging si Secretary Lorenzana ay nagpasalamat din sa ambassador dahil sa patuloy na panawagan ng EU sa kapayapaan at seguridad sa West Philippine Sea at isang “Rules based order” sa rehiyon na batay sa International Law.

Ipinarating din ni Lorenzana sa ambassador ang patuloy na pangha-harass na ginagawa ng China sa mga Pilipino at maging ng ibang mga banyaga sa West Philippine Sea.

Facebook Comments