Nagsiuwian na ang ilang evacuees na pansamantalang nanuluyan sa mga evacuation centers sa Pangasinan kahapon, Nobyembre 10.
Ayon sa ulat ng Department of Social Welfare and Development San Fabian, tinatayang 1,783 na indibidwal mula sa kabuuang 2,383 evacuees sa naturang bayan ang nakabalik na sa kani-kanilang mga tahanan matapos ang pananalasa ng bagyong Uwan.
Maging ang ilang evacuees na tumuloy sa mga evacuation centers sa karatig-bayan ay nakabalik na rin.
Sa bayan ng Villasis, iniulat ng MSWDO at MDRRMO na 26 pamilya o 84 indibidwal ang pansamantalang tumuloy sa Evacuation Center sa Barangay Unzad kahapon.
Sa Mangaldan naman, 12 indibidwal ang natulungan ng kapulisan na makapunta sa mga evacuation center sa gitna ng malakas na ulan bandang 11:41 ng gabi noong Nobyembre 9.
Habang unti-unting bumabalik sa kani-kanilang mga tahanan ang mga evacuee, nagpapatuloy ang clearing operations ng mga lokal na pamahalaan upang maibalik sa maayos na kalagayan ang mga lugar na matinding naapektuhan ng bagyo.
Kasabay nito, nagpapatuloy din ang assessment ng mga LGU para matukoy ang lawak ng pinsala at ang mga pangangailangan ng mga nasasakupan bilang bahagi ng pagpapaigting ng kanilang kaligtasan.
Sa ngayon ay tuloy-tuloy ang koordinasyon ng mga LGU, DSWD, at iba pang ahensya upang mapabilis ang rehabilitasyon at pagbangon ng mga apektadong pamayanan.









