Isa si PVT Agonoy sa 243 na nagtapos ng Candidate Soldier Course kahapon sa kampo ng 5ID sa Upi, Gamu, Isabela na nakakuha ng pinakamataas na grado sa Class 692 na may general average na 93.14%.
Mahigit dalawang taon ng naging bahagi ng iFM Cauayan si PVT Michael Agonoy sa paghahatid ng mga balita at impormasyon at pagbibigay ng serbisyo publiko bago naisipang pumasok sa Philippine Army.
Sa ating naging panayam sa kanya, nagpapasalamat siya sa Poong Maykapal dahil nalampasan niya ang mga pagsubok sa kanilang mahigpit at masusing training kung saan hindi nito inaasahan na mangunguna siya sa kanilang klase dahil ginawa at ibinigay lamang aniya nito ang lahat ng kanyang makakaya.
Ang kanyang pamilya naman ang kanyang numero unong naging inspirasyon para matapos ang kanyang anim na buwang pagsasanay at kahit nagkasakit ng limang (5) araw sa kasagsagan ng training ay lumaban at ipinagpatuloy pa rin hanggang sa makamit ang kanyang pangarap.
Samantala, naging hamon din kay PVT Agonoy ang pagpasok sa hanay ng kasundaluhan dahil minsan na rin siyang napasama sa mga makakaliwang grupo na kalaunan din ay kumalas at nagbagong buhay.
Sinabi nito sa mga natitira pang kasapi ng NPA na mas mabuting ginugol ang lakas sa pagsisilbi sa taong bayan at sama-samang wakasan ang insurhensiya sa bansa.