Ex-ES Ochoa, ipinapa-subpoena na ng Senado tungkol sa imbestigasyon sa PDEA leaks

Sa pangalawang pagkakataon ay hindi nakadalo sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs si dating Executive Secretary Paquito Ochoa Jr. tungkol sa nag-leak na impormasyon mula sa PDEA na nagdadawit kay Pangulong Bongbong Marcos at iba pa ukol sa paggamit ng iligal na droga.

Dahil dito, ipapa-subpoena na ni Committee Chairman Ronald “Bato” dela Rosa si Ochoa para mapilitan itong humarap sa imbestigasyon ng Senado sa susunod na linggo.

Kabilang si Ochoa sa nabanggit ni dating PDEA agent Jonathan Morales na sangkot sa isyu ng iligal na droga matapos harangin ng noo’y Executive Secretary ang imbestigasyon sa nangyaring drug operation.


Nagpadala si Ochoa sa komite ng liham at medical certificate mula sa St. Luke’s Medical Center para kumpirmahin na siya ay nagpositibo sa COVID-19 kaya hindi pa makakadalo sa pagdinig ng Senado.

Binigyan naman ng isang linggo si Ochoa para magpagaling at makadalo sa pagdinig dahil kung hindi ay posibleng warrant of arrest na ang susunod na ipapataw sa dating opisyal ayon kay Dela Rosa.

Samantala, humarap din sa imbestigasyon ang general manager ng Rockwell Residential Tower Condominium na si Ms. Marjorie Kasiban kung saan kinumpirma nito na naibenta ang condo ng aktres na si Maricel Soriano noon pang August 1, 2012.

Matatandaan namang naging subject ng operasyon ng PDEA ang unit ng aktres matapos lumabas ang dokumento ng PDEA na may petsang March 11, 2012.

Facebook Comments