Mainit na tinanggap kahapon ng mga residente ang kandidatura ni dating Trece Martires Mayor Jun Sagun, na tumatakbong kongresista para sa ika-7 distrito ng lalawigan ng Cavite nang magsimula ang kampanya para sa espesyal na halalan.
Maglalaban-laban sa halalan ang apat na kandidatong sina Melencio Loyola de Sagun Jr., Crispin Diego Remulla, Jose Angelito Domingo Aguinaldo at Michael Angelo Bautista Santos para sa pagka-kongresista na binakante ni Boying Remulla na itinalagang kalihim ng Department of Justice (DOJ).
Sa kasalukuyan, nakaupo si House Speaker Martin Romualdez bilang caretaker ng 7th district ng Cavite.
Inilunsad ni Mayor Sagun ang kanyang congressional bid sa pamamagitan ng pagbisita sa apat na simbahan mula sa mga bayan ng Tanza, Amadeo, Indang, at Trece Martires City, na pawang mga nasasakupan ng 7th district ng Cavite.
Sa talaan ng COMELEC, may kasalukuyang 355,184 na rehistradong botante mula sa 116 na barangay sa mga nabanggit na bayan at inaasahan ang kanilang masigasig na pakikilahok sa espesyal na halalan sa Pebrero 25, Sabado.
Ang panahon ng kampanya ay nakatakdang magtapos sa Pebrero 23, 2023.