Ex-Sen. De Lima, dumalo sa pagdinig sa huling kaso na may kaugnayan sa iligal na droga sa Muntinlupa RTC ngayong araw

Dumalo ngayong araw si dating Senator Leila de Lima sa pagdinig sa kaniyang huling kaso na may kinalaman sa iligal na droga sa Muntinlupa Regional Trial Court.

Ayon kay De Lima, nakatakdang isumite ang kanilang motion for resolution gayundin ang apela nito para pormal na mapagtibay ng mga testigo sa korte ang pagiging lehitimo o authenticity ng kanilang isinumiteng sulat na nagsasaad ng kanilang pagnanais na mag-recant o bawiin ang kanilang naging testimoniya laban sa kaniya.

Dito ibinahagi ng dating senadora ang desisyon ng korte sa hirit ng kanyang kampo na malipat pabalik sa New Bilibid Prison mula sa Iwahig Penal Farm ang pitong preso na testigo na bumaliktad sa kanilang testimonya.


Ang mga testigong nais na mag-recant ay sina German Agojo, Tomas Doniña, Jaime Patcho, Wu Tuan Yuan o kilala bilang Peter Co, Engelberto Durano, Jerry Pepino, at Hans Anton Tan.

Lahat ng mga ito ay drug lords na kasalukuyang nagsisilbi ng kanilang sentensiya.

Matatandaan sa isang sulat na naka-address sa Muntinlupa RTC Branch 206, inihayag ng PDL witnesses na may banta sa kanilang buhay kaya wala silang ibang choice kundi tumestigo laban sa senadora.

Samantala, ito naman ang unang pagkakataon na dumalo si De Lima sa pagdinig sa kaniyang kaso habang nakalaya at walang kasamang police escort.

Facebook Comments