Manila, Philippines – Nadagdagan pa ang mga senador na gumigiit na suspendehin ang probisyon sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN law na nagpapataw ng dagdag-buwis sa produktong petrolyo.
Ayon kay Committee on Public Utilities Chairperson Senator Grace Poe, dapat suspendehin ang excise tax sa langis dahil apektado na nito ang presyo ng mga bilihin.
Ang mensahe ni Senator Poe ay kasunod ng pagdinig na isinagawa ng Senado sa Iloilo City ukol sa epekto ng TRAIN law sa public utilities at sa sektor ng transportasyon.
Sa pagdinig ay sinabi ni Edgar Salarda, presidente ng Pinagkaisang Samahan ng mga tsuper at operators nationwide sa Panay Island na umabot na sa 18-beses na nagtaas ang presyo ng langis simula Enero.
Sabi naman ni Marcelo Cacho ng Panay Electric Company, dati ay nasa Php 10.59 ang avarage rate nila per kilowatt hour pero dahil sa TRAIN law ay tumaas ito sa PHP 11.6 per kilowatt hour.
Si Senator JV Ejercito ay paulit-ulit na ring namanawagan ng suspension sa excise tax sa langis dahil sa tumataas na inflation rate.
Si Senator Bam Aquino ay naghain pa ng panukala na nagsusulong ng roll back sa excise tax sa langis.
Sabi naman ni Senator Nancy Binay, pag-aaralan nila sa senado kung paano makapaglalatag ng safety nets hinggil dito.