Cauayan City, Isabela- Nakatakdang lagdaan ang Executive Order no. 23 ni Governor Rodito Albano III bilang paghahanda sa posibleng pagpasok at pagkahawa ng mapanganib na COVID-19 Delta variant sa probinsya ng Isabela.
Ito ay matapos magpulong ang mga Department Heads, Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) at ang Provincial COVID-19 Task Force upang pag-usapan ang mga direksyon na nakapaloob sa kautusan at palakasin ang health protocols na una nang ipinapatupad sa lalawigan.
Nilinaw ni Provincial Administrator Atty. Noel Manuel R. Lopez na wala pang kaso ng Delta variant sa probinsya at kanilang tinitiyak na lahat ng ospital na nasa pangangalaga ng provincial government ay handa sa pagtugon sa posibleng pagtaas ng kaso ng COVID-19 partikular ang Delta variant, bagay na kinumpirma ni Dr. Nelson Paguirigan ng Provincial Health Office.
Inatasan rin ni Dr. Paguirigan ang lahat ng ospital na tiyakin na mayroong magagamit na oxygen at mga gamot gaya ng Remdesivir.
Samantala, iniulat ng Isabela Vaccination Program Operation Center Head na si Dr. Arlene Lazaro na nasa kabuuang 58,550 na doses ng mga bakuna ang natanggap ng provincial government kung saan 2,900 vials ang AstraZeneca habang ang 8,470 vials o 42,360 na doses ng mga bakunang Janssen ang nailaan sa lahat ng LGUs para sa Priority Group A2 o mga senior citizen na may edad na 60 pataas.