Pinirmahan ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., ang executive order para sa pag-amyenda ng composition ng Inter-Cabinet Body na naatasang mamahala ng normalization process sa Bangsamoro Region.
Sa ilalim ng EO No. 6, tig-isang kinatawan mula sa Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) at sa Office of the President (OP) ang magsisilbing co-chair ng Inter-Cabinet Cluster Mechanism on Normalization (ICCMN).
Ang mga representante ng OPAPRU at OP representatives na magsisilbi bilang ICCMN co-chairpersons ay may ranggong hindi bababa sa Undersecretary.
Inaamyendahan ng EO No. 6 ang EO No. 79 na nilagdaan noong 2019 kung saan ang itinalagang mga kinatawan para mamuno sa Inter-Cabinet body ng BARMM ay mula sa noo’y Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) at ang nabuwag nang Office of the Cabinet Secretary (OCS).
Ipinaliwanag ng pangulo na kailangang amyendahan ang EO No. 79 dahil sa abolition ng OCS at sa pinalitang pangalan ng OPAPP.
Mananatili naman at iiral pa rin ang iba pang probisyon ng nasabing kautusan.
Trabaho ng Inter-Cabinet Cluster Mechanism on Normalization (ICCMN) na siguruhin ang napapanahon, angkop at episyenteng normalization program na bahagi ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB) na nilagdaan ng national government at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Sakop ng prosesong ito ang mga usaping may kinalaman sa seguridad, kabuhayan, pulitika, hustisya at pagkakasundo.