Hiniling ni Senador Risa Hontiveros sa Malacañang na bawiin ang Executive Order number 135 na nagpapababa sa taripa sa imported na bigas.
Ayon kay Hontiveros, dagdag-pasanin ito sa ating mga magsasaka na nakaranas na ng pagkalugi at patuloy na naghihirap dahil sa mababang kita mula nang ipatupad ang Rice Tariffication Law.
Paliwanag pa ni Hontiveros, kung tumataas ang presyo ng bigas sa world market, ibig sabihin ay mas maraming bibili ng lokal na produksyon at maibabalik nito ang mga nawalang trabaho o kita dahil sa naunang pagbagsak ng presyo ng palay bunga ng implementation ng Rice Tariffication Law.
Giit ni Hontiveros, hindi dapat mangamba sa kasalukuyang presyo ng bigas dahil may kapasidad ang ating magsasaka para mag-ani ng sapat na suplay ng bigas.
Diin pa ni Hontiveros, malaking tulong ang dagdag na kita mula sa nakolektang taripa para mapondohan ang RCEF na syang ginagamit para suportahan at mapalawak pa ang mga lugar pagsasaka na benepisyaryo ng Department of Agriculture (DA) production assistance.