Inihahanda na ng Office of the Executive Secretary ang Executive Order (EO) para sa optional o boluntaryo na lamang na paggamit ng face mask sa buong bansa.
Sa briefing sa Malacañang, sinabi ni DOH Officer in Charge Usec. Maria Rosario Vergeire na naipaalam na nila ito kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at sumang-ayon na ito verbally pero kailangan pa itong opisyal na magawan ng kautusan o maisyuhan ng legal document.
Kaya naman inaasahan aniya nilang agad na mailalabas ng Palasyo ng EO at kailangan na lamang itong hintayin.
Dahil naipaabot na ang rekomendasyong ito sa pangulo at nakuha naman ang kaniyang pag-apruba, inianunsyo na aniya nila para malaman ng publiko ang resolusyon ng Inter-Agency task Force (IATF).
Muli namang pinaalalahanan ni Vergeire ang publiko na may mga kondisyong nakapaloob sa rekomendasyon kabilang dito ang paghikayat pa ring magsuot ng face mask ang mga tinatawag na vulnerable sector tulad ng senior citizens, immuno-compromised individuals at mga batang papasok sa eskwelahan.
Sa panig naman ng Department of the Interior and Local Government (DILG), sa briefing sa Malacañang sinabi ni Secretary Benhur Abalos na magiging aktibo sila sa pagpapatupad ng mga protocol.
Mayroon aniya ibang mga setting na hindi pa rin dapat tanggalin ang face mask katulad ng matataong lugar bagama’t open area at kung minsan ay wala ring maayos na daloy ng hangin.
Pakikilusin aniya nila ang mga lokal na pamahalaan at mga pulis para matiyak na masusunod pa rin ang minimum public health standard sa mga lugar na ito kasama na ang pagsusuot ng face mask.