Manila, Philippines – Ngayong buwan ng Agosto ay maglalabas si Pangulong Rodrigo Duterte ng executive order na magtatakda ng mas mababang taripa o buwis sa aangkating bigas, karne ng manok at iba pang produktong pang-agrikultura tulad ng gulay, mais at wheat flour.
Ito ang inihayag ni National Economic Development Authority o NEDA Secretary Ernesto Pernia sa pagpapatuloy ng presentasyon sa senado ng 2019 proposed national budget.
Ayon kay Pernia, tugon ito ng Pangulo sa pagtaas ng presyo ng bilihin o inflation rate na pumalo na sa 5.7 percent.
Sabi naman ni Senate President Tito Sotto III, mag-a-adjourn ang sesyon ng kongreso mula Agosto 16 hanggang 27 para bigyang-daan ang pag-iisyu ng Pangulo ng executive order.
Paliwanag ni Sotto, hindi maaring iutos ng Pangulo ang pagpapababa ng taripa kapag naka-sesyon ang Kongreso.
Diin ni Sotto, mahalaga ang ilalabas na kautusan ng Pangulo para agad mapababa ang presyo ng bigas at iba pang pagkain.