Executive Sec. Medialdea, iniutos sa PNP-IAS na imbestigahan ang kontrobersyal na birthday party ni NCRPO Chief Sinas

Inatasan ni Executive Secretary Salvador Medialdea ang Internal Affairs Service (IAS) ng Philippine National Police (PNP) na imbestigahan ang kontrobersyal na birthday party ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Major General Debold Sinas.

Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, pagkatapos magsagawa ng PNP-IAS ng imbestigasyon, inaatasan niya rin ito na agad isumite sa kanyang tanggapan ang resulta ng imbestigasyon.

Sinabi pa ni Roque na sa ngayon ay hayaan na lamang gumulong ang ikakasang imbestigasyon ng PNP-IAS at saka pagusapan kung anumang kaso ang posibleng kaharapin ni General Sinas at iba pa na dumalo sa nasabing selebrasyon.


Nitong May 8, nagdiwang ang NCRPO Chief ng kanyang ika-55th birthday kung saan sinorpresa umano siya ng kanyang mga kabaro at ito ay parte ng kanilang tinatawag na Mañanita tradition.

Sa mga kumalat ng litrato online, makikita na naka-suot naman ng face mask ang mga dumalo pero nalabag nila ang polisiya ng pamahalaan na bawal ang mass gatherings o pagtitipon-tipon maging ang social distancing at ang liquor ban.

Facebook Comments