Executive Sec. Vic Rodriguez, ipinagtanggol ng kaniyang pamilya laban sa anila’y demolition job

Naniniwala ang pamilya ni Executive Secretary Victor Rodriguez na may nangyayari talagang demolition job laban sa opisyal.

Sa eksklusibong panayam ng Pulso ng Metro, ipinagtanggol ni Edwin Rodriguez ang kapatid na si ES Rodriguez na isinasangkot ngayon sa isyu ng iligal na utos na mag-angkat ng 300,000 metric tons ng asukal.

Aminado si Edwin na nasasaktan ang kanilang pamilya sa mga ibinabatong isyu sa kaniyang kapatid.


Aniya, pinalaki silang simple at disente kaya hindi sila kailanman masasangkot sa anumang uri ng korapsyon.

“Siguro, a few months tapos na ‘tong mga intriga. Lahat ng Pilipino, sana magkaisa na lang kasi napakaganda ng mga pangarap at mga ipinangako ni BBM di ba, ni President sa bayang Pilipinas. Tapos na ang pulitika, sana i-set aside natin, we all focus, tulong-tulong para sabi niya makabangon uli ang ating bayan,” ani Rodriguez.

Una nang nilinaw ng Malacañang na walang kinalaman si ES Rodriguez sa pagpapalabas ng Sugar Order No. 4 sa halip ay inutusan lamang ito ni Pangulong Bongbong Marcos na atasan ang Department of Agriculture na gumawa ng importation plan ng asukal.

Nabatid na maging si Edwin Rodriguez ay nadamay rin sa isyu na sa tingin niya ay paninira talaga sa kanyang kapatid.

“Pati yung sa asukal, isinama yung pangalan ko. Fake news ‘yan. Kaya nga tingnan mo di ba, MMDA lang, tama demolition job, pati pangalan ko sumama dun sa mga ano ng asukal.”

Kasabay nito, nilinaw rin ni Edwin na walang kinalaman si ES Rodriguez sa appointment niya bilang isang linggong consultant ng MMDA.

“Sabi ko nga, kung sakali mang nandyan di ba pwede ka namang lumapit, kapatid mo, pero talagang lumayo kami dyan e,”

“Kaya nga to be honest, [regarding] about this issue, yang sa consultant na yan, sabi ko ngang ganon, Carlos, nandidito naman ako, I can always be there for you di ba, tumulong kahit walang bayad, walang posisyon. Tingnan mo, the appointment even yung consultant e pinakamababa pa atang consultant yung kinuha ko e. I didn’t get yung may mga sweldong malalaki.

“Kaya sabi ko, naaawa di naman ako sa kapatid ko e. Kung mga bagay na pwede nang i-set aside samin, we will do sacrifices para ‘wag na lang siyang bakbakan o kung ano man. But on record, there’s nothing [sinister] about my appointment, wala kaming tinatago dyan,” giit ni Rodriguez,.

Facebook Comments