Umapela si Executive Secretary Lucas Bersamin sa lahat ng mga kawani ng Malacañang na maging totoo at tapat sa kanilang sinumpaang tungkulin.
Sa kaniyang mensahe sa kauna-unahang flag raising ceremony na dinaluhan nito ngayong umaga kasama ang iba pang matataas na opisyal ng palasyo, sinabi ni Bersamin mawawalan nang saysay ang pagiging public servant kung wala itong kasamang dedikasyon at sinseridad.
Aniya, kailangang palaging magkakambal ang pagsisilbi nang may malasakit at sinseridad.
Mahirap aniyang magmalasakit kung hindi naman tapat at tunay ang nasasaloob.
Paalala pa ni Bersamin sa lahat ng kawani ng gobyerno, na sundin ang rule of law sa bawat aksyong kanilang gagawin.
Dapat aniyang itatak sa kanilang isip palagi na sila ay nagsisilbi para maging patas at sumusunod sa batas.
Sinabi pa ng opisyal na ang pagdalo nila sa flag raising ceremony ngayong umaga ay hindi lamang isang seremonya kundi pag alala sa matagumpay na nakaraan at para mas maging mabuting tao at public servant sa hinaharap.