Humabol sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee si Executive Secretary Victor Rodriguez patungkol sa iligal na Sugar Order No. 4.
Matapos ngang mag-isyu ng subpoena ang komite kaninang umaga ay dumating agad ngayong tanghali si Rodriguez para personal na humarap at sagutin ang tanong ng mga senador.
Paglilinaw ni Rodriguez, wala umano siyang intensyon na bastusin o hindi igalang ang mga kagalang-galang na miyembro ng komite at ang Senado bilang isang institusyon.
Sinabi ng executive secretary nang malaman niyang nag-isyu ang Blue Ribbon Committee ng subpoena ay agad niyang ipinaalam ito kay Pangulong Bongbong Marcos kahit pa nasa state visits ngayon ang presidente.
Agad din aniya siyang pinapunta ng pangulo sa Senado para humarap sa pagsisiyasat ng Blue Ribbon sa tinaguriang sugar fiasco.
Mariing itinatanggi ni Rodriguez sa pagdinig na may go-signal mula sa kanya o nagbigay ng pahintulot para aprubahan ang Sugar Order No. 4 para sa importasyon ng 300,000 metriko toneladang asukal.