Inutos na ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Dionardo Carlos ang pag-release ng mahigit 8 bilyong pisong pondo para sa year-end bonus at cash gift ng kanilang mga tauhan.
Ayon kay PNP chief, bahagi aniya ito ng inilaang pondo para sa PNP sa ilalim ng Appropriations Programmed Fund ng 2021 budget ng Pambansang Pulisya.
Sa report ni PNP Finance Service Director, PBGen. Jose Nartatez Jr., kay PNP chief, sinabi nitong matatanggap ng mga pulis sa kanilang Landbank account ang kanilang bonus ngayong araw November 18, 2021.
Katumbas ito ng kanilang isang buwang sweldo habang ang cash gift ay 5,000 piso subalit nakadepende ito sa guidelines ng PNP Fiscal Directive.
Pero, nilinaw ni PNP chief na ang mga year-end bonus at iba pang bonuses kabilang na ang mid-year bonus na lumampas na ng 90,000 pesos ay papatawan ng buwis sa ilalim ng TRAIN Law.
Sinabi naman ni PNP Spokesman PCol. Roderick Alba na ang mga pulis na may kinahaharap na kasong administratibo ay hindi makatatanggap ng kanilang year-end bonus at cash gift.