Manila, Philippines – Nagpasya si Senate President Vicente Sotto III na i-extend ang oras ng kanilang sesyon, simula ngayong araw para sa 2019 National budget na aabot sa P3.757 trillion.
Ayon kay Sotto, maging ang araw ng Biyernes na dating walang pasok ay magagamit na rin para sa budget deliberation kung saan maaari silang abutin ng hanggang madaling araw.
Pero aminado ang senador na hindi pa rin kakayanin ang tuluyang pagpasa ng general appropriations bill bago matapos ang taon at sinisi nito ang mga kongresista sa mabagal na pag-transmit ng panukalang pambansang pondo.
Iginiit naman ni Senator Panfilo Lacson na kung sisikapin nilang maihabol ang bill baka pati pagkain, pagpunta sa washroom at iba pang gawain ay kanselahin na nila.
Sa huli, posibleng bumagsak pa rin ang 2019 budget sa reenacted dahil mahabang proseso ang haharapin nito pagpasok sa Bicameral conference committee.