Manila, Philippines – Pinalawig ng hanggang April 15 ang Uber sa kabila ng dapat sana ay pagpapahinto na ng kanilang operasyon sa bansa noong Linggo.
Ayon kay PCC Commissioner Stella Quimbo, dapat manatiling hiwalay ang operasyon ng Uber at Grab habang pinag-aaralan ng komisyon ang pagsasanib ng dalawang Transport Network Company (TNC).
Aniya, ilan sa aspetong sinisiyasat ng PCC ang pagpepresyo, kalidad ng serbisyo, mangyayaring pagbabago sa application, at kung magkakaroon ba ng pagpipiliang Transport Network Vehicle Service (TNVS) ang mga pasahero.
Una nang nag-abiso ang dalawang TNC na magsasama ang kanilang mga kompanya matapos bilhin ng Grab ang operasyon ng Uber sa Southeast Asia.
Pero giit ni Grab Country Manager Brian Cu, kailangan munang klaruhin ng Pcc ang extension na hinihingi sa kanilang kompanya.
Aniya, mula nang simulan ang transition Grab na ang nagbabayad para manatiling online ang Uber.
Sinabi naman ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Board Member Aileen Lizada, na mayroon na lang dalawa hanggang tatlong empleyado ang Uber sa bansa.
Ibig sabihin, kahit online ang application, wala nang empleyadong makapagbibigay ng tulong sa mga pasahero.