Extension at pagpapalawak ng sakop ng Estate Tax Amnesty, lusot na sa Senado

Inaprubahan na sa Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na nagpapalawig sa panahon ng pag-avail sa estate tax amnesty at pagpapalawak sa sakop nito.

Sa botong 24 na sang-ayon at wala namang tumutol ay nakalusot na sa plenaryo ng Senado ang Senate Bill 2219.

Kapag tuluyang naisabatas ay i-e-extend ang period ng availment ng estate tax amnesty ng dalawang taon pa o hanggang June 14, 2025.


Ipinasasama rin sa saklaw ng tax amnesty ang mga ari-arian ng mga yumao bago ang May 31, 2022.

Sa ilalim ng panukala, maaaring magbayad ng hulugan sa estate tax sa loob ng dalawang taon na hindi mapapatawan ng multa at interes.

Pinahihintulutan din ang paggamit ng electronic o manual na paghahain para sa mga mag-a-avail ng estate tax amnesty gayundin ang pagbabayad ng tax sa alinmang otorisadong bangko, revenue district officer o sa authorized tax software provider.

Facebook Comments