“EXTRAVAGANT” | Sobra-sobrang biyahe abroad ni TPB Chief Cesar Montano, pinuna ng COA

Manila, Philippines – Pinuna ng Commission on Audit o COA ang “extravagant” at labis-labis na foreign trips ni resigned Tourism Promotions Board o TPB Chief Operation Officer Cesar Montano.

Batay sa 2017 COA report, gumastos raw si Montano ng P2.276 million para sa kanyang biyahe sa mga bansa sa Asia, Europe, Australia at North America.

Sabi ng COA, may kabuuang labing apat na foreign trips si Montano noong 2017 o katumbas ng siyamnapu’t isang araw.


Nakita rin ng COA ang mga naging biyahe ni Montano sa Russia, Canada at Amerika sakay sa “business class” na nagkakahalaga ng aabot sa P594,000.

Taliwas ito sa mga Executive Order (EO) na nag-aatas sa lahat ng opisyal ng pamahalaan na bumiyahe “on economy” lamang.

Maliban rito, sinita rin ng COA ang pagpapadala ng TPB ng mga tauhan na wala namang kinalaman sa foreign travels, kabilang na rito ang private secretary ni Montano.

Aabot umano sa P2.995 million ang nagastos para sa private secretary at executive assistant na kasama ni Montano sa labing isa mula sa labing apat na foreign trips niya.

Giit ng COA, dapat ay humanap noon ang TPB ng mga paraan para mabawasan ang gastos.

Samantala, pinare-refund ng COA kay Montano at dalawang alalay nito ang mahigit sa P60,000 na para sana sa mga ticket para makadalo sa Philippine business mission sa Japan pero hindi nadaluhan ng tatlo.

Matatandaang nagbitiw si Montano sa pwesto sa kasagsagan ng isyu ng P80 million Buhay Carinderia Project na bagaman at hindi kumpleto ay nakakuha umano ng ‘kickback’ ang actor.

Facebook Comments