Extreme heat situation sa mga pampublikong paaralan, patunay na napabayaan ng gobyerno ang sektor ng edukasyon

Dismayado si House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Rep. France Castro sa parang “oven” na sitwasyon ngayon sa mga pampublikong paaralan dahil sa matinding init ng panahon.

Ayon kay Castro, patunay ito na napabayaan talaga ng gobyerno ang sektor ng edukasyon kaya hindi nakakamit ng mga batang Pilipino ang dekalidad na edukasyon habang nanganganib din ang kanilang kalusugan at kaligtasan.

Bunsod nito ay binuhay ni Castro ang hirit na ibalik sa June hanggang March ang school calendar o panahon ng pasukan para maiiwas ang mga estudyante sa matinding init na lubhang delikado sa kalusugan.

Ayon kay Castro, nananatiling nakabinbin ang House Bill 8550 o panukala na inihain ng Makabayan Bloc noong 2023 na nagtatakda ng muling pagpapatupad ng June-March school calendar.

Kaugnay nito ay hiniling din ni Castro sa Marcos administration na iprayoridad ang pagtugon sa mga problema sa sektor ng edukasyon tulad ng kakulangan ng classrooms at kawalan ng nararapat na ventilation systems sa mga eskwelahan, gayundin ang kawalan ng clinics na may trained health personnel.

Facebook Comments