Bukod sa mga pagkain, toiletries at iba pang pangangailangan ay namahagi rin ang lokal na pamahalaan ng Valenzuela City ng face shield at face mask sa mga inilikas na residente.
Namahagi ng proteksyon laban sa COVID-19 ang local government upang matiyak na ligtas din ang mga evacuees laban sa banta ng virus infection habang sila ay nasa mga evacuation centers.
Tinitiyak din sa mga evacuation ang pagsunod sa iba pang health protocols.
Samantala, aabot na sa 2,356 ang mga indibidwal o 636 na pamilya ang nailikas sa District 1 at 2 sa Valenzuela.
Inikutan ngayong hapon ni Valenzuela Mayor Rex Gatchalian ang mga evacuation centers upang makita at matiyak na naibigay ang mga kailangan ng mga residente.
Dagdag pa rito ay nilinaw rin ng alkalde na kaya wala pang kuryente ang ilang barangay sa lungsod ay dahil intentional o sinadya ang power outage.
Aniya, bahagi ito ng protocol ng Meralco na kailangang i-switch off ang power o kuryente dahil konektado ang mga linya at may ilang lugar pa ang may baha at iniiwasan na may makuryente o maaksidente.
Maibabalik aniya agad ang suplay ng kuryente sa oras na humupa na nang tuluyan ang baha sa maraming lugar.