Face-to-Face Classes sa Cauayan City, Posible na- Dr. Gumaru

Cauayan City, Isabela- Inihahanda na ang ilang mga paaralan sa lungsod ng Cauayan sa gitna ng posibleng pilot implementation ng face-to-face classes.

Ito ang kinumpirma ni Schools Division Superintendent Dr. Alfredo Gumaru sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa kanya.

Ayon kay Dr. Gumaru, nabanggit umano ni City Mayor Bernard Dy ang posibleng pagbubukas ng face-to-face classes sa lungsod kasabay ng paghahanda sa mga silid-aralan sa posibleng pagpapatupad nito.


Aniya, uunahin na ipatupad ang face-to-face classes sa mga barangay na wala ng naitalang kaso ng mga tinamaan ng virus hanggang sa unti-unti ng buksan ang iba pang paaralan at matiyak na ligtas na ang iba pang lugar sa pagbubukas ng pilot F2F classes.

Diin ni Gumaru, magiging limitado ang pagbubukas ng face-to-face classes sa poblacion area base na rin sa abiso ni Mayor Dy.

Sa kabila nito, handang-handa na umano ang DepED Division of Cauayan City sakaling tuluyan ng mabuksan sa F2F classes ang lahat ng paaralan sa siyudad.

Samantala, inatasan na ni Dr. Gumaru ang mga school head na tiyakin ang minimum health protocol sa mga silid aralan gaya ng paglalagay ng barrier na magsisilbing harang ng bawat mag-aaral na lalahok sa limited face-to-face classes.

Pinatitiyak rin ni Dr. Gumaru sa lahat ng paaralan na siguruhin na malinis ang kapaligiran upang makaiwas sa posibleng banta naman ng Dengue ngayong panahon ng tag-ulan.

Hinimok rin nito ang mga magulang na makiisa sa inaasahang pagbubukas ng limited F2F classes.

Facebook Comments