Cauayan City, Isabela- Umaasa ang lokal na pamahalaan ng Cauayan City na sisimulan ang pagbubukas ng face-to-face classes sa darating na buwan ng Disyembre.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay City Mayor Bernard Faustino Dy, mapapayagan na umano ang mga local chief executive na magpatupad ng pagbabalik paaralan ng mga estudyante sa ilalim ng Alert Level 2 base sa ginawang pulong na pinangunahan ng IATF at mga opisyal ng DILG.
Giit ng opisyal, hindi naman nila pababayaan ang mga mag-aaral sa pagbubukas ng klase kasunod ng ilang negosyo na nagbukas gaya ng mall at pagpayag sa mga bata na makapamasyal.
Samantala, hihintayin pa rin ang pinal na paglabas ng dokumento na binibigyang awtorisasyon ang mga alkalde sa pagpapatupad ng face-to-face classes sa kanilang mga nasasakupan.
Una nang inapela ng mga kasamahang alkalde ni Dy ang pagpapahintulot sa kanilang kapangyarihan na payagan ang pagbubukas ng face-to-face classes.