Ikinikonsidera ng Senado na magsagawa ng face-to-face executive session para talakayin ang umano’y banta sa seguridad ng pagkakaroon ng sosyo ng China sa Dito Telecommunity na siyang napiling maging third telco sa bansa.
Ang executive session ay iminungkahi ni Senator Francis ‘Kiko’ Pangilinan kay Senator Grace Poe na siyang Chairperson ng Committee on Public Services na syang dumidinig sa aplikasyon para sa franchise renewal ng Dito.
Ikinakaalarma ni Pangilinan ang kasunduan sa pagitan ng Department of National Defense (DND) at Dito kung saan pinapahintulutan ang pagtatayo ng Dito ng cell towers sa mga kampo ng militar.
Suhestyon naman ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, gawing face-to-face ang executive session upang maiwasan ang posibilidad na tangkang pag-hack kung gagawin ito sa pamamagitan ng teleconference.
Sinuportahan naman ni National Security Adviser Hermogenes Esperon ang mungkahi ni Zubiri.