Hindi tutol ang Department of Education (DepEd) sa mungkahing magkaroon ng face- to- face learning ang mga estudyante ngayong School Year 2020-2021 sa mga low -risk areas.
Gayunpaman, binigyang-diin ni DepEd Secretary Leonor Briones na ito ay gagawin sa limitadong sitwasyon lamang at dapat makatiyak na makasusunod sa mga kondisyon ang mga eskwelahan at ang lugar.
Pangunahin aniya rito, ay ang pagpasok sa eskwelahan ng mga bata ng isa hanggang dalawang araw lamang sa isang linggo at ang natitirang araw ng pasok ay gagawin sa bahay sa pamamagitan ng online learning o printed modules o sa pamamagitan ng radyo at telebisyon.
Ayon pa kay Briones, dapat ding maayos ang pasilidad ng mga eskwelahan tulad ng may sapat na suplay ng tubig para sa pagsunod sa minimum health standards o palaging paghuhugas ng kamay.
Ang mga upuan ay dapat na maayos at may pagitan o barrier kung kinakailangan at masigurong ma-oobserbahan ang physical distancing sa loob ng silid-aralan.
Sa kabila nito, binigyang-diin ni Briones na pag-aaralan nilang mabuti ang mungkahing face- to- face learning ngayong pasukan at isusumite ang pinal na rekomendasyon kay Pangulong Rodrigo Duterte.