Face-to-face learning sa mga lugar na walang kaso ng COVID-19, ipinakokonsidera sa DepEd

Dapat na pag-aralang mabuti ng Department of Education (DepEd) ang ipatutupad nitong sistema ng pagtuturo sa darating na pasukan.

Ito ang pahayag ni Vice President Leni Robredo sa harap ng ikinakasang distance o online learning ng DepEd.

Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila, iginiit ng Bise Presidente na magiging mahirap para sa mga estudyanteng walang kakayahang bumili ng gadget at internet ang online learning.


Maaari rin naman aniyang ikonsidera ng DepEd ang pagsasagawa ng face-to-face learning sa mga lugar na walang kaso ng COVID-19.

“Sana pag-aralan din ng DepEd, baka may mga lugar na pwede naman ‘yung face-to-face. Nabasa ko Ka Ely, halimbawa Tawi-tawi walang incident, Basilan walang incident, madaling ma-contain kasi isla. Sana pag-aralan na depende sa lugar yung modality na gagawin, hindi lahat distance,” ani Roberdo.

Sang-ayon naman si Robredo sa panawagan ng League of Provinces of the Philippines (LPP) na ipagpaliban muna ang nakatakdang pagbubukas ng klase sa August 24.

Aniya, posibleng maapektuhan ang pagtuturo sa mga bata kung ang mismong mga guro ay hindi pa rin handa sa online learning.

Ini-insist kasi ng DepEd na handa na sila pero ‘yung nakausap namin na teachers Ka Ely, mas gusto nga nila mas late pa yung pagbukas para mas handa. Wala namang difference masyado kung gawin mong September o October o November, basta handa lahat. Kasi ‘yung problema kasi kapag pinilit mo sa August 24 ‘yung mga hindi pa handa baka masyadong lusaw ‘yung pagturo. Pero ‘yung DepEd ‘yung mas nakakaalam nito. Pero sana, kung anuman ‘yung magiging desisyon, ‘yung pinaka-consideration, ‘yung mga learners natin,” dagdag pa niya.

Samantala, bukod sa gadget donation drive ng Office of the Vice President (OVP), target din nito na makapagpatayo ng mga communication hub particular sa mga lugar na mahina o walang internet.

Maaari itong puntahan ng mga estudyanteng kinakailangang gumamit ng computer o nangangailangan ng tutorial.

Facebook Comments