Face-to-face na Assembly Meeting sa mga Barangay sa Isabela, Itinigil

Cauayan City, Isabela- Hindi muna pinapayagan ang pagsasagawa ng face-to-face na Barangay assembly meeting habang sumasailalim sa General Community Quarantine (GCQ) ang Lalawigan ng Isabela.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Engr. Corazon Toribio, Provincial Director ng DILG Isabela, batay sa aniya sa kanilang monitoring ay nasa mahigit 50 porsiyento sa kabuuang barangay ng Isabela ang nakapagsagawa na ng assembly meeting.

Umaabot na sa 532 barangays ang nakatapos ng pagpupulong sa barangay bago pa isailalim sa GCQ ang Isabela.


Kaugnay nito, maliban sa face-to-face ay maaari pa rin aniyang ipagpatuloy ng mga barangay na hindi pa natapos sa pamamagitan ng iba pang modality gaya ng Online reporting, pamamahagi ng flyers at pagsasagawa ng public address.

Obligasyon kasi ani Engr. Toribio ng mga barangay officials na ipaalam sa mga residente ang status ng pera ng bayan upang maging transparent din ito sa mga constituents.

Sa kasalukuyan, sinusuri muna ang mga nakuhang datos mula sa mga barangay habang ang iba pang mga barangay na hindi pa nakapagsagawa ng assembly meeting ay maaaring humabol sa mga susunod na buwan.

Facebook Comments