Facebook censorship, pinaiimbestigahan ng isang kongresista

Pinaiimbestigahan ng isang kongresista ang censorship guidelines ng Facebook sa harap na rin ng papalapit na 2022 national elections.

Sa inihaing House Resolution 2112 ni Anakalusugan Partylist Representative Mike Defensor, pinasisilip nito ang kontrobersyal na guidelines sa censorship ng social media giant na Facebook bunsod ng mga agam-agam na mapipigilan nito ang mapayapa at malayang pamamahayag online.

Pinagpapaliwanag sa Kamara ang mga Facebook executives sa bansa patungkol sa pagdesisyon ng Facebook kaugnay sa mga posts na tinatanggal o bina-block.


Ayon kay Defensor, umaasa sila na ang Facebook ang mangungunang political battleground sa papalapit na presidential elections at aniya hindi ito maiimpluwensyahan ng anumang political partisan.

Nais lamang aniyang makatiyak na mapoprotektahan ng Facebook ang karapatan ng mga Pilipino sa “freedom of opinion at expression” laban sa hindi makatwirang censorship.

Binanggit pa ni Defensor na karamihan sa mga content moderators ay hindi naman talaga mga empleyado ng kumpanya at pawang galing ang mga ito sa third-party outsourcing firms.

Facebook Comments