Hinikayat ng Facebook ang publiko na huwag ihinto ang pagre-report sa mga lumulutang na fake accounts.
Sa isang statement, sinabi ng Facebook na iniimbestigahan na nila ang mga ulat hinggil sa kaduda-dudang aktibidad sa kanilang social media platform at gagawan ng aksyon kapag nakitaan ng paglabag sa kanilang polisiya.
Patuloy ang kanilang validation sa mga accounts at kapag bumagsak ito sa kanilang authenticity checks ay agad nilang buburahin ang account.
Gumagamit na sila ng sopistikadang teknolohiya na tumutukoy at nagtatanggal ng pekeng accounts sa kanilang platform.
Batay sa Community Standards Enforcement Report noong nakaraang buwan, aabot sa 1.7 billion fake accounts ang inalis ng Facebook sa iba’t ibang panig ng mundo sa unang kwarter ng 2020.
Para sa pagre-report ng hinihinalang pekeng FB account, sundin ang mga sumusunod:
- Pumunta sa profile ng fake account
- I-click ang tatlong tuldok na nasa ilalim ng cover photo at piliin ang “Find Support o Report Profile”
- Sundin ang mga nakasaad na instructions para sa paghahain ng report