Manila, Philippines – Kung trending kamakailan ang 100 pesos na perang papel na walang mukha ni Manuel Roxas, isa na namang kaso ng faceless money ang lumabas kung saan walang mukha ng mag-asawang Cory at Ninoy Aquino sa limang daang pisong perang papel.
Isang Robin Villapando Fetalvo ang nag-post nito sa social media.
Bukod sa wala itong mukha, makikita na walang nakaimrentang P500 sa kaliwang bahagi ng pera.
Kumupas din ang katagang limang daang piso, nawawala rin ang katagang Republika ng Pilipinas, pati na ang mga pangalan at pirma ni Pangulong Rodrigo Duterte at ni dating Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Amado Tetangco, Jr.
Ayon kay Fetalvo, kasama ang P500 na faceless bill sa mga nawithdraw niya sa isang ATM noon pang Setyembre.
Huwebes nang aminin ng BSP na nagkaaberya ang printer na sanhi ng misprinted ng 100 peso bills at inaalam pa kung hanggang saan umabot ang problemang ito.