Faeldon at iba pang naabsweltong Customs officials, hindi pa rin ligtas sa kaso – Senator Gordon

Manila, Philippines – Iginiit ngayon ni Blue Ribbon Committee Chairman Senator Richard Gordon na pagdating sa Ombudsman ay hindi makakaligtas sa kaso sina dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon at iba pang opsiyal ng Bureau of Customs (BOC).

Pahayag ito ni Gordon makaraang iabswelto ng Department of Justice (DOJ) sina Faeldon sa kasong may kaugnayan sa paglusot sa BOC ng 6.4 billion pesos na shabu galing sa China.

Paliwanag ni Gordon, isusumite niya sa Ombudsman ang committee report kaugnay sa isinagawang imbestigasyon ng senado sa drug smuggling at iba pang anumalya sa BOC tulad ng tara system.


Dagdag pa ni Gordon, maaring walang kinalaman sa naipuslit na droga sina Faeldon pero malinaw sa pagdinig ng Senado na nagkaroon ang mga ito ng kapabayaan kaya nakalusot ang nasabing shipment.

Umaasa din si Gordon na sasabit si Faeldon at iba pang BOC official sa kasong bribery at anti-graft and corrupt practices act na may kaugnayan naman sa tara system sa BOC.

Facebook Comments