Manila, Philippines – Hinamon ni Magdalo Rep. Gary Alejano si dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon na gamitin na ang pagkakataon na ito para isiwalat ang mga sinasabing nang-iimpluwensya sa ahensya kaya talamak ang katiwalian dito.
Giit ni Alejano, ngayong wala na ito sa BOC ay ilaglag na nito ang mga pangalan, mapa-senador o kongresista man, na sinasabing nang-iimpluwesnya partikular sa mga ipupwesto sa board ng ahensya.
Panahon na rin aniya para ibulgar ni Faeldon kung sino ang mga nasa likod ng paglusot ng 6.4 Billion na halaga ng iligal na droga na nakalusot sa Customs.
Samantala, naniniwala naman si Alejano na mayroong pressure sa panig ni Pangulong Duterte kaya nito tinanggal ang pagbibitiw ni Faeldon.
Sinabi pa ng kongresista na natural na reaksyon na dapat na pagbitiwin agad si Faeldon matapos malaman ang kapalpakan sa Customs pero nanahimik at malaki pa rin ang tiwala dito ng Pangulo.
Tiniyak naman ni Dangerous Drugs Chairman Robert Barbers na tuloy pa rin ang balak na pagrerekomenda na sampahan ng kaso si Faeldon at iba pang opisyal ng BOC sa tinatapos na committee report.
Aniya, hindi ibig sabihin na nagbitiw ito ay makakalusot si Faeldon lalo na kung mapatunayang may criminal at administrative liabilities ito sa katiwalian sa BOC.