Mahaharap pa rin sa kasong kriminal si Nicanor Faeldon Jr. Ito ay sa harap ng drug test na isinagawa sa mga nahuli, kasama si Faeldon Jr. bagama’t negative ang resulta sa kanya. Positibo naman ang tatlo pang mga naaresto kabilang na ang subject ng search warrant na si Russel Lanuzo.
Nag-ugat ang kasong ito kaugnay ng kanyang pagkakaaresto kamakalawa ng madaling araw sa Barangay Mabolo, Naga City nang isagawa ng mga operatiba ng NCPO ang search warrant na may connection sa droga sa pamamahay ni Russel Lanuzo.
Ayon kay Naga City Police Office Director PSS Felix Servita, Maintaining A Drug Den na nakasaad sa Section 6 ng RA 9165 ang kasong isasampa laban kay Faeldon Jr.
Samantala, sa harap ng pagka-high profile ng sitwasyon ito, kung saan ang involved ay anak ni Bureau of Corrections Director NICANOR FAELDON SR., nilinaw ni Naga City Police Director PSS Servita na walang sinumang nag-impluwensiya sa kanila kaugnay ng kasong ito. Idinagdag pa niya na hindi siya nakatanggap o wala rin siyang natanggap na tawag mula sa kahit sinong mataas na opisyal ng kapulisan o gobyerno para pag-usapan o aregluhin ang kasong ito.
Una nang nagbigay ng pahayag si BUCOR Director NICANOR FAELDON SR kung saan kinumpirma niya na anak nga niya ang nahuling si Faeldon Jr at hindi niya kukunsintihin ito kung sakaling mapatunayan na may kinalaman siya sa transaction sa droga na kinasasangkutan ng ama ng kanyang umano’y kasintahan.
Hanggang sa isinusulat ang balitang ito, wala pa ring abogado o kapamilya na dumalaw kay Faeldon Jr simula nang siya ay nasa piitan ng Naga City Police Office.
Kasama mo sa balita mula sa RMN Naga – Paul Santos, Tatak RMN!
FAELDON JR, NEGATIVE SA DRUG TEST, PERO MAY KAKAHARAPIN PA RING KASO – NCPO.
Facebook Comments