Faeldon nanindigang hindi magbibitiw sa puwesto bilang BuCor director

Diretsahang sinabi ni Gen. Nicanor Faeldon sa mga senador na hindi siya magbibitiw sa puwesto bilang pinuno ng Bureau of Corrections (BuCor).

Sa pagdinig ng Senado nitong Lunes, tinanong ni Senator Risa Hontiveros ang kasalukuyang BuCor chief kung kailan siya aalis sa posisyon.

Ayon sa mambabatas, kaliwa’t-kanan ang kapalpakan at pagkukulang ng kaniyang pamunuan hinggil sa good time conduct allowance (GCTA) lalo na at hindi nito masagot ang mga simpleng katanungan ng Blue Ribbon Committee.


Giit ni Faeldon, nakasalalay kay Pangulong Rodrigo Duterte ang kahihinatnan ng kaniyang kapalaran.

Matatandaang tinalaga siya ni Duterte noong Nobyembre 2019 at pinalitan niya noon si ngayo’y senador Ronald “Bato” Dela Rosa.

Dumipensa din si Faeldon na ipinapatupad lamang nila ang naturang batas kahit masama ito sa kanilang kalooban.

Aniya, kapag hindi nila pinalabas ang mga bilanggong pasok sa GCTA, may posibilidad na balikan sila ng kampo ng mga preso. Gumugulong na rin umano ang nasabing panuntunan mula pa noong nakaraang taon.

Facebook Comments