Manila, Philippines – Nakipagtulungan na ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa National Bureau of Investigation (NBI) para matugis ang mga indibidwal o mga grupo na nagpopost sa social media ng mga defaced na pera.
Nagkalat kasi online ang mga post ng mga pekeng Philippine banknotes at coins.
Hiling ng BSP sa NBI, kilalanin ang mga pasimuno ng pagpapakalat ng fake news para lokohin o aliwin ang publiko sa pamamagitan ng pagmanipula ng mga perang papel at barya.
Alinsunod sa new central bank act, sila ang tanging ahensya na may kapangyarihan na mag isyu ng pera sa bansa.
May kapangyarihan din ang BSP na imbestigahan, arestuhin, kumpiskahin ang mga pekeng pera para pangalangaan ang integridad ng pera ng Pilipinas.
Umapela ang BSP sa publiko na mag ingat sa mga kahinahinalang impormasyon tungkol sa pera ng Pilipinas sa social media o internet at ugaliing magtanong sa kanila para sa alinmang paglilinaw sa kanilang website na www.bsp.gov.ph.