FAKE NEWS | Artikulo ng Rappler ukol sa mga bumisitang lokal na opisyal ng Cagayan hindi totoo – SAP Go

Tinawag na fake news ni Special Assistant to the President Secretary Bong Go ang artikulo na lumabas sa Rappler na isinulat ni Pia Ranada na nagsasabi na inimbitahan ni Go ang ilang lokal na opisyal ng Cagayan.

Batay sa artikulo ng Rappler, bumisita ang mga opisyal ng Cagayan sa Malacañang para puntahan ang Malacañang Museum habang ang kanilang mga nasasakupan ay binabayo ng bagyong Ompong kung saan nakataas ang signal number 4.

Ayon kay Go, fake news, malisyoso at puno ng masamang intensyon ang artikulo na isinulat ni Ranada.


Paliwanag ni Go, matagal nang naka schedule ang pagbisita ng mga lokal na opisyal ng Cagayan, tatlong araw bago ang nakatakdang pagbisita ng mga ito ay inabisuhan nila ang mga ito na huwag nang ituloy ang bisita dahil sa paparating na bagyo pero tumuloy pa rin naman aniya ang mga ito dahil mayroon din aniya silang idudulog kay Executive Secretary Salvador Medialdea.

Sinabi ni Go, wala siya sa Malacañang noong araw na iyon at nasa Davao City siya at nagmo-monitor ng bagyo kasama si Pangulong Duterte at ang humarap naman sa mga bisita ay si Secretary Medialdea para dinggin ang kanilang hinaing sa isang pulong matapos ang bisita sa museum.

Binigyang diin ni Go na malinaw na sa artikulo ng Rappler ay talagang may intensyon itong galitin ang publiko.

Imbes aniyang magbigay ng tamang impormasyon ay mas pinili pa ng Rappler na magpakalat ng fake news kaya naman sinabi ni Go na subukan din ng Rappler na magsulat ng artikulo ng may katotohanan.

Pinayuhan din ni Go ang Rappler na magsulat nalang ng tungkol sa bagyo upang makatulong naman sa publiko.

Facebook Comments