Fake news at spam messages, dapat aksyunan ng NTC

Kinalampag ni opposition Senator Risa Hontiveros ang National Telecommunication Commission (NTC) para aksyunan ang spam messages at fake news na kumakalat lalo na ngayong panahon ng eleksyon.

Giit ito ni Hontiveros sa NTC makaraang kumalat ang fake news na siya at sina Senators Franklin Drilon at Kiko Pangilinan ay nananawagan na i-boycott ang mga kompanya na sumusuporta sa Marcos-Duterte tandem.

Si dating opposition Senator Antonio Trillanes naman ay umapela sa mga marino na huwag maniwala sa kumakalat na fake news na may sinabi si Vice President Leni Robredo na makakasama sa maritime industry.


Nilinaw ni Trillanes na ang totoo, ang mga sinabi ni Robredo ay “aligned” sa “navigational map” ng maritime industry at inaral ng mga lider sa industriya, mga eksperto at mismong mga marino.

Sa katunayan, binigyang diin ni Trillanes na sa talumpati ni Robredo ay kanyang inilabas ang “blue” strategy para sa ekonomiya kung saan nilalagay nito ang mga marino at lokal na maritime industry sa puso ng kanyang plataporma.

Para malabanan ang ganitong mga fake news ay iginiit ni Hontiveros sa NTC na utusan ang mga telecommunication companies na striktong bantayan at agad i-block ang mga numero na nagpapakalat ng spam o maling mga impormasyon.

Facebook Comments