Manila, Philippines – Wala umanong karapatan ang isang “fake news master” na tumapak sa Senado at maging isang senador.
Ito ang sinabi ni Akbayan Rep. Tom Villarin matapos na ianunsyo ni House Speaker Pantaleon Alvarez sa oath-taking ng mga bagong miyembro ng PDP-LABAN sa Cebu na kabilang sa senatorial slate ng partido sina Communication Asec. Mocha Uson at Presidential Spokesperson Harry Roque.
Hindi man tinukoy ni Villarin kung sino ang “fake news master” pero matatandaang ilang beses na naparatangan si Uson nang pagkakalat ng peke at maling balita.
Bagamat kabilang sa mga ineendorso ni Alvarez na bubuo ng senatorial slate ng PDP-Laban ay sina Negros Rep. Albee Benitez, Davao City Rep. Karlo Nograles, Bataan Rep. Geraldine Roman at Majority Leader Rodolfo Fariñas, sinabi ni Villarin na maayos naman ang performance ng mga ito sa Kamara pero masyado pang maaga at dapat na mag-focus muna sa kanilang trabaho.
Pinaalalahan din nito ang administrasyon na huwag munang atupagin ang pangangampanya at sa halip ay tutukan muna ang mga problema gaya ng MRT3, traffic, unemployment at pagtaas ng mga bilihin.