Nakikita na ng University of the Philippines (UP) OCTA Research Team ang family clustering o pami-pamilyang nahahawa sa COVID-19.
Ayon kay Professor Butch Ong, miyembro ng UP OCTA Research Team, imbes na kada indibidwal ay pami-pamilya na ang nagkakaroon ng COVID-19 kumpara noong nakalipas na taon o noong Hulyo at Agosto kung kailan humingi ng time-out ang mga health worker.
Paliwanag pa ni Ong, may posibilidad na rason ang bagong variant ng COVID-19 lalo na ang South African variant kung bakit mas maraming pamilya ang nahawaan ng sakit.
Maituturing din aniyang dahilan ang pagkakahawa ng mga bata kung kaya’t may presensiya ng family clustering.
Sa ngayon, ipinasususpinde na ng Association of Philippine Medical Colleges Inc. (APMCI) ang face-to-face internship at clerkship rotation sa mga ospital sa Metro Manila dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Sa inilabas na pahayag ng APMCI sa mga Dean ng Medical Schools at Directors ng Accredited Medical Internship Hospitals, gagawin na lang ang mga internship at clerkship rotation sa pamamagitan ng virtual mode hanggang sa susunod na abiso.
Sa mga hospital naman sa labas ng National Capital Region (NCR), sinabi rin ng APMCI na ang mga Hospital Director na ang pinagdedesisyon kung sususpindihin ang kanilang face-to-face internship at clerkship rotation alinsunod sa gabay ng National Government, Department of Health (DOH) at Inter-Agency Task Force (IATF).