FARM TO MARKET ROAD SA DATING PINAMUMUGARAN NG MGA NPA, PINASINAYAAN

Pinasinayaan na ang halos anim na kilometrong farm to market road sa Asipulo, Ifugao na dating pinamumugaran ng teroristang grupo.

Sa ibinahaging impormasyon ng 5th Infantry Division, Philippine Army, ang 5.9 kilometrong daan ay sa pamamagitan ng pinagsama-samang tulong at suporta ng Pamahalaan Panlalawigan ng Ifugao, Pamahalaang Lokal ng Asipulo, mga mamamayan ng Barangay Namal at ng kasundaluhan ng 54th Infantry Battalion.

Ang pagbubukas ng nasabing daan ay pinangunahan ng Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict ng Ifugao na dinaluhan ng iba’t-ibang stakeholders.

Bunga ito ng mga isinagawang Community Support Program (CSP) ng 54th IB na inilapit naman sa mga tanggapan ng pamahalaan hanggang sa maisakatuparan ang proyekto.

Ang barangay Namal, Asipulo ay dating kanlungan ng mga rebeldeng grupo kung saan unti-unti itong nalinis dahil sa tulong ng CSP at pagpasok ng iba pang serbisyo.

Idineklara bilang ‘cleared’ ang nasabing lugar noong taong 2019.

Samantala, inihayag naman ng Punong Barangay Grace Tayaban na malaking ginhawa ito para sa mga mamamayan ng barangay Namal dahil mas mabilis na ang transportasyon lalo na sa pagbiyahe ng kanilang mga produkto palabas sa kanilang bayan.

Facebook Comments