CAUAYAN CITY – Upang mas mailapit pa sa mga lokal na magsasaka ang iba’t ibang tulong, binuksan ng Department of Agriculture Region 02 ang one stop-shop action centers o OSAC sa iba’t ibang probinsya sa lambak ng Cagayan.
Ang regional launching ng programa ay pinangunahan ni DA Region 2 Director Rose Mary Aquino sa Cagayan Valley Research Center, San Felipe, City of Ilagan, Isabela.
Matapos nito ay sabay-sabay na pinasinayaan ang OSAC na tinatawag ding farmers’ center na may layuning ilapit ang serbisyo at programa ng DA at maihatid ang serbisyo sa mga magsasaka at mga mangingisda sa buong Cagayan Valley.
Ang mga OSAC Centers ay matatagpuan sa Experiment Stations sa Iguig, Abulug, at Solana sa Cagayan, gayundin sa Gamu, Isabela; Aglipay, Quirino; at Bagabag, Nueva Vizcaya, maging sa Cagayan Valley Research Center, at Research Crop Protection Center, na parehong nasa City of Ilagan, Isabela.
Pinapayuhan rin ni RD Aquino, ang mga mangingisda at magsasaka na magtutungo sa mga nabanggit na lugar na tiyaking kumpleto ang mga dalang requirements upang maging mabilis ang proseso at pagresolba sa mga idudulog ng mga ito na hinaing o isyu.