Farmers’ Weekend Market, binuksan sa Antipolo city

Aarangkada na bukas sa publiko ang Farmers’ Weekend Market na matatagpuan sa Sumulong park, Antipolo City.

Ito ang inanunsyo ng lokal na pamahalaan ng Antipolo kasabay ng paghikayat na mamili rito.

Ayon kay Antipolo City Mayor Andeng Ynares, ang mga murang produkto mula sa tanim ng mga lokal na magsasaka sa bulubunduking bahagi ng lokalidad ang mabibili sa binuksang weekend market.


Bukod sa bigas at mais, kabilang sa mga produktong ibinibenta ang mga sariwa at bagong aning gulay gaya ng ampalaya, sitaw, petchay, mustasa, saging, lettuce, okra at maraming iba pa kasama na ang iba’t ibang mga prutas.

Ang Farmers’ Weekend Market ay mananatiling bukas ngayong buwan ng Nobyembre hanggang Pebrero ng susunod na taon mula alas-6:00 ng umaga hanggang alas-8:00 ng gabi, Biyernes hanggang araw ng Linggo.

Facebook Comments