FB User, Sinabihan ng ‘BOBO’ ang mga Pulis

Cauayan City, Isabela- Bahagyang napawi ngayon ang lungkot ng isang Ginang mula sa Bayan ng Tumauini, Isabela matapos maiblotter sa mga awtoridad ang pagkalat ng larawan ng kanyang anak na ginamit upang pagbantaan ang pulisya gamit ang social media.

Nakilala ang biktima na si Edmar Savella, 20-anyos, at residente ng Brgy. Antagan, Tumauini, Isabela.

Ayon sa ina ng biktima na tumangging magpakilala, sinabi niya na nitong nagdaang biyernes (May 15,2020) ng ipaalam ng kanyang isa pang anak na ginamit ang larawan ng kanyang nakatatandang kapatid sa social media na may pangalan na ‘Cardo Dalisay’ at ‘Carl Smith’ taliwas sa kanyang totoong pangalan at pinagbabantaan ang mga pulis sa kanyang mga post.


Umiiyak ang ginang habang ikinukwento ang sitwasyon ng kanyang anak matapos kumalat sa social media at umani ng iba’t ibang reaksyon mula sa mga netizen dahil sa paghahamon nito sa mga alagad ng batas sa di mabatid na dahilan.

Sinabi pa nito, binalak na magpakamatay ang kanyang anak dahil sa hindi na nito matiis ang pagkalat ng kanyang larawan at ito aniya umano ang nakikitang solusyon ng kanyang anak.

Nabatid na nagtungo ang mga pulis sa lugar kung saan nakatira ang biktima upang alamin kung may katotohanan ang paghahamon ng nagpapakilalang Cardo Dalisay sa pulisya.

Patuloy na iniimbestigahan ng Tumauini Police Station ang insidente at makikipag-ugnayan din ang mga ito sa National Bureau of Investigation (NBI) upang mas mapadali ang pagtukoy ng nasa likod ng facebook fake account.

Facebook Comments