Dinepensahan ng Food and Drug Administration (FDA) ang Executive Order ni Pangulong Rodrigo Duterte na nag-aapruba sa emergency use ng COVID-19 vaccine sa bansa.
Ayon kay FDA Director General Eric Domingo, kahit mistulang minadali ang awtorisasyon, may sapat namang basehan para paniwalaang epektibo ang bakuna.
Maaari aniyang pagbasehan ang magandang preliminary results para mabigyan ng Emergency Use Authorization (EUA) ang bakuna kahit dumadaan pa ito sa clinical trials.
Dagdag pa ni Domingo, tanging mga bakuna na may 60% efficacy rate o higit pa ang papayagan nilang magamit sa bansa.
Samantala, ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, mas mainam nang handa ang bansa para sa posibleng pagpasok ng bakuna.
“Ika nga, dapat handa tayo. Hindi naman yung tsaka na lang tayo maglalabas ng EUA kapag andyan na yung bakuna, dapat mauna yung EUA. Kasi kung walang EUA ang FDA, e talagang susunod sa mga guidelines for a grant o issuance ng certificate of product registration,” paliwanag ni Duque sa panayam ng RMN Manila.
Umaasa naman ang kalihim na magiging COVID-free na ang bansa pagsapit ng 2022.
“Kaya minamadali nga ni Pangulo na magkaroon tayo ng advance marketing commitment at advance payment din para makasiguro tayo na at least yung mga 20 to 30 million na mga kababayan natin na priorities ay pwede nang bakuhan. Hopefully in two years’ time matapos yung pinupuntirya natin (60%-70% country’s population). So by 2022, hopefully maging COVID-free Philippines tayo,” dagdag ng kalihim.