Hinimok ng isang infectious disease expert ang Food and Drug Administration (FDA) na bawiin ang compassionate special permit (CSP) ng anti-parasitic drug na Ivermectin.
Ito ay makaraang lumabas sa pag-aaral ng Malaysia na hindi epektibo ang Ivermectin para mapigilan ang severe COVID-19.
Bukod sa wala na nga itong bisa kontra COVID ay posibleng magdulot pa ito ng side effects sa mga iinom ng gamot tulad ng heart attack, anemia at diarrhea.
Sabi naman ng health expert na si Dr. Tony Leachon, maging ang US FDA at World Health Organization (WHO) ay walang maipakitang patunay na epektibo ang Ivermectin kaya sa umpisa pa lamang ay hindi na dapat ito pinayagang magamit sa bansa.
“Nung hapon, lumabas ‘yong memo coming from FDA and DOH na hindi siya effective. Kung hindi siya effective, e ang next move niyan, tanggalin ang lisensya niyan for CSP, e CSP special permit lang naman yan e,” giit ni Leachon.
“Kaya kagabi, na-confuse ako bakit biglang pumasok sa usapan na, coming from the Palace na gumawa ng memorandum si Secretary Año and IATF na wala nang magbebenta sa sari-sari store ng mga drugs daw na pang-COVID. Ngayon ko napapagtanto na baka nabebenta ‘to sa mga outlet e.”
“Kasi kung may ganitong kalaking news tapos tayo e magbubukas sa Alert Level 1, baka mag-self medicate ang mga tao tapos e may mangyaring masama, ‘yon ang nakakatakot.”
“So, ako ang suggestion ko, i-pullout na. Kung hindi effective e ‘di dapat may regulatory action yun,” dagdag niya.
Noong nakaraang taon nang bigyan ng FDA ng compassionate special permit ang ilang ospital para magamit ang Ivermectin bilang gamot sa COVID-19 bagama’t isa pa lamang itong “investigational product.”