FDA, iginiit walang gagamiting Sinovac sa bansa kung walang EUA

Mananatiling nakabinbin ang paggamit ng Sinovac vaccines ng China sa Pilipinas sakaling dumating ito sa bansa sa February 23.

Ang kumpanya ay hindi pa nakakapagsumite ng apat na kinakailangang dokumento sa Food and Drug Administration (FDA).

Ayon kay FDA Director General Eric Domingo, hindi pa sila maaaring makapagdesisyon hinggil sa Sinovac para sa Emergency Use Authorization (EUA) dahil hindi pa nakukumpleto ng vaccine maker ang kanilang requirements.


Kung hindi pa aniya aprubado ang Sinovac pagsapit ng Feb. 23 ay hindi nila maaaring dalhin o gamitin ang bakuna dito sa bansa.

Hindi rin tiyak si Domingo kung kailan sila makakapaglabas ng EUA para sa Sinovac dahil nakadepende ito sa kumpanya.

Nangako naman aniya ang Sinovac na ipapasa nila ang mga kinakailangang dokumento.

Sa ilalim ng protocols, ang application para sa EUA ay dadaan sa Ethics Board, vaccine experts panel at sa FDA para sa evaluation ng safety at efficacy ng bakuna, maging ang quality at manufacturing nito.

Facebook Comments