Inaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) ang paggamit ng Chinese herbal medicine na Lian Hua Qing Wen para sa pagpapagamot ng mga pasyenteng mayroong lung toxins.
Ayon kay FDA Director General Eric Domingo, nakasaad sa Certificate of Product Registration ng gamot sa Pilipinas, epektibong gamot ito laban sa heat-toxing invasion sa baga, lagnat, sipon at pamamaga ng mga kalamnan.
Ayon sa Chinese Embassy sa Manila, ang nasabing herbal capsule ay gawa ng isa sa mga kilalang Traditional Medicine Manufacturers (TCM) sa China na Shijiazhuang Yiling Pharmaceutical.
Ikinalugod ng embahada ang pagpasok ng kanilang traditional medicine products sa Philippine market.
Ang nasabing gamot ay opisyal nang ginagamit sa Hong Kong at Macao, maging sa Brazil, Indonesia, Canada, Mozambique, Romania, Thailand, Ecuador, Singapore at Laos.
Pinayuhan ng embahada ang mga Filipino consumer na bumili lamang sa mga awtorisadong pharmaceutical manufacturers.
Umaasa sila na ang traditional medicine ay malaki ang magiging papel para suportahan ang Philippine Government sa paglaban sa COVID-19.
Ang China ay kasalukuyang nagde-develop ng bakuna para sa COVID-19 at nangakong ipaprayoridad ang Pilipinas kapag handa na ito para sa commercial distribution.